Mga kadalasang pinagdadaanan ng teenager

Lumaki ako sa environment na palaging nag-aaway na magulang, palaging nagsisigawan, palaging galit, sa madaling salita palagi ding tuliro at pagod ang isip. Kung ganito talaga ang bahay na inuuwian mo nanakawin talaga nito ang masaya sanang kabataan mo. Hanggang ngayong matanda na ako alam kong bilang lang ang mga araw na sumaya ako nong bata ako. Masasabi kong masalimuot ang teenager days ko. Mas marami yong mga ala-alang nalulungkot ako. Lungkot na dala ng heavy or negative energy na umiikot sa bahay namin, walang harmony ng mga miyembro ng pamilya, araw-araw na nakasigaw, nag-aaway at nagmumura na magulang, at inaakyat o pinapasok kami ng mga masasamang tao sa gabi dahilan ng matinding trauma o anxiety ko ngayon tuwing sasapit ang gabi.



Pero kung meron sigurong handang makinig sa mga tumatakbo sa isip ko, kung meron lang sanang taong hindi ako huhusgahan, baka nga hindi ako nahihirapan iproseso ang emosyon. Baka nga hindi ako kinokontrol ng emosyon ko ngayon. Kadalasan ganito lang naman ang kailangan natin especially sa mga teenagers, may makinig lang kahit wala nang advise basta 'wag husgahan o itsi-tsismis. At mas mataas ang chance na mahandle ng tama ng bata ang mga pinagdadaanan niya kung mismong mga magulang niya ang napapagsabihan niya ng mga ito.

Mas matatag ang magiging pundasyon ng bata kung yong mga taong modelo niya o minamahal niya ang sumasalo mismo sa likod niya, kung baga hindi na siya maghahanap ng ibang taong makikinig at aalalay sa kanya. At lalong mababawasan yong chance na makagawa siya ng iba't ibag uri ng pagkakamali. Hindi sa ayaw natin silang gumawa ng sarili nilang mali, pero sa edad na teenager at yugto ito ng kapusukan, mas nanaisin mong gabayan sila ng maayos. 

Paano ba ang mas magandang approach sa mga teenager? Kailangan mag-establish ng connection sa ating teenager upang magkaintindihan kayo. Hindi magiging successful ang attempt na komunek kung mayroong mase-sense ang bata na pagkatakot o hiya. Magiging malaking hadlang yon sa pagbubukas at pagpapakatotoo niya sayo. Mas magiging bukas ito sayo kung alam niyang hindi mo ipapahiya sakali mang magsabi siya ng totoo.

Paano naman kung ang teen ager ay katulad ng description ng iba na wala na talagang ibang pinapakinggan. 

Bilang guardian niya, mag-commit ka sa iyong sarili na bibigyan mo ng sapat sapat na attention at oras ang role na iyong gagampanan. Dapat makasiguro tayong nandon yong awareness natin, understanding, attention at effort. Aware tayo kung anong ginagawa ng ating binabantayan. Pero hindi ibig sabihing lagi tayong makikialam sa bawat desisyong gagawin nila. Still let them make their own mistake. 

At kung ang desisyong gagawin nila'y kasing bigat ng magbubuo ng sariling pamilya, dapat ay maipaintindi sa kanila ng mabuti ang bigat at seryoso ng hakbang na gagawin nila. Na hindi ito puwedeng atrasan sa oras na makabuo sila. Higit sa lahat ay lilipat sila ng ibang tirahan sa oras na naganap ito. Ofcourse kapag sinasabi mo ang mga 'to kailangan maramdaman ng bata ang sincerity mo, kung gaano ka kaseryoso sa bagay na sinasabi mo. 

Kapag naunawaan ng bata na meron tayong isang salita, na hindi natin sila kinocontrol, na binibigyan natin sila ng boses sa pamilya…kusang lalabas ang respeto ng mga yan. Kusang lalapit ang loob nila sa atin. Hindi na kailangan ng pakikipag-sapilitan o matinding hindi pagkakaunawaan. Puwedeng puwede natin itong daanin sa maalumanay na usapan. Kailangan mo lang maging handa, maging mapang-unawa at gentle sa pag-handle para maging effective 'yong communication o connection natin sa kanila. The more na rough at harsh ang pakikitungo, the more na magre-resist sila.

Sa experience ko mas masarap sana kung naipagtatapat ko yong mga bagay na nahihiya akong sabihin sa magulang ko. Panigurado mas mahusay sana ang mga payo nila at siguradong papasok sa isip at puso ko yon, kasi emosyon ko na yong pinagtapat ko eh, malalim at mahalaga yon para sakin na isang teenager. Baka nga maiyak pa ako sa harap nila, at buong puso kong ipoproseso yong payo nila. At sana yong atake nila hindi yong galit at sumisigaw, sana malumanay na may pagrespeto sa ipinagtapat kong emosyon o nararamdaman ko.

Sa isip ng isang teenager kaagapay ang kailangan niya. Bumuo ka muna ng koneksiyon sa kanya, kausapin mo siya ng may respeto. Kadalasan sa mga teenager hindi maiintindihan ang mga advice nating matatanda. Kung makabuo ka ng matibay na connection sa kanya kusa na yan na magsasabi sayo ng mga nangyayari sa buhay niya. Tandaan, connect & respect. Pag nagawa mo yan hindi na kailangang maging harsh sa teenager mo, maiiwasan ang hindi ninyo pagkakaunawaan. 

Magpatupad ng kautusan o kalakaran o boundaries at kailangan aktibo ka na sumusunod sa mga ito, tayo parin ang modelo ng mga anak natin. Maging kalmado at tuwing nagpapakita ng hindi kanais nais na action o ugali, huwag itong patulan dahil ito ang magiging daan upang uulit ulitin nila ang ganitong ugali. Bigyan ng pagkakataong mapag-isa o privacy ang bata. At ang pinaka importante sa lahat, iparamdam sa kanila na mahal natin sila, at lagi nating aalalahanin kung gaano natin talaga sila kamahal.

Previous Post Next Post

Contact Form